Matagumpay na nailigtas ng Philippine National Police – Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) ang isang pitong buwang gulang na sanggol mula sa online baby selling noong Nobyembre 6, sa isang entrapment operation sa San Jose, Rodriguez, Rizal.
Sa ulat ng PNP, isang nagngangalan na Cloie Mae Cruz sa Facebook ang nagpadala ng pribadong mensahe sa undercover agent ng PNP at nag-alok ng sanggol kapalit ng halagang P35,000.
Agad na nagsagawa ng rescue operation ang PNP-WCPC kasama ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Montalban, Rizal, kung saan nahuli ang 29-taong gulang na suspek sa kanyang tahanan.
Nagpahayag naman ng kanyang pagkabahala si Janella Ejercito Estrada, Undersecretary ng National Authority for Child Care (NACC), sa patuloy na insidente ng online baby selling sa bansa, na tinawag niyang ‘unacceptable’ at ‘disturbing’.
Nangako si Usec. Estrada na mas marami pang salarin sa likod ng talamak na online baby selling ang ilalagay sa likod ng rehas.
Mula Mayo 2024, nakapagligtas na ang NACC at PNP-WCPC, katuwang ang Department of Information and Communication Technology – Cybercrime Investigation and Coordinating Center (DICT – CICC) at National Bureau of Investigation Anti-Human Trafficking Division (NBI-AHTRAD), ng anim na bata kung saan arestado ang anim na suspek sa magkakahiwalay na operasyon sa buong bansa.
“We will not stop. The NACC’s priority is to end illegal adoption whether online or physical. We will ensure that the children are safe and that justice is served,” pagbibigay-diin ni Usec. Estrada.
Noong Hunyo, nakipagtulungan ang NACC at PNP-WCPC sa DICT-CICC upang palakasin ang pagmamanman at ipasara ang mga account at online Facebook groups na nagsusulong ng online baby selling at illegal adoption.
Mula sa 23 Facebook groups at accounts na nagsusulong ng baby selling noong Pebrero, 14 dito ang naipasara na habang siyam na aktibong Facebook groups ay itinuturing na actionable intelligence.
Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng pamahalaan upang labanan ang child trafficking at pagsasamantala sa mga bata sa Pilipinas. – VC