
Mahigit 21,000 pulis ang kasalukuyang nagpapatrolya at rumeresponde sa hagupit ng bagyong Uwan, partikular sa mga pangunahing rehiyong nakaranas ng matinding pag-ulan at pagbaha ayon sa Philippine National Police (PNP) ngayong Lunes, Nobyembre 10.
Kabilang sa nakaantabay ang 16,628 na personnel mula sa Reactionary Standby Support Force ng ahensya at mahigit 1,566 sasakyan na ginagamit para sa rescue, evacuation, at elimination.
Sa datos ng PNP, may 400,000 pamilya ang apektado ng pag-ulan at pagbaha mula sa Uwan o katumbas ng halos 1.5 million na indibidwal sa bansa. Nagpapatuloy ang humanitarian response ng ahensya sa iba’t ibang lugar.
As of 6:00 a.m. aabot sa 2,977 kalsada at 35 tulay ang hindi madaanan matapos mapinsala ng bagyong Uwan.
Tiniyak naman ng PNP na walang patid ang kanilang road clearing operations.
Patuloy din ang ibayong kooperasyon ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak na mabilis ang pagtugon sa pangangailangan ng mga nasalantang mamamayan.
Kasalukuyan namang sumasailalim sa rehabilitasyon ang 24 PNP stations na napuruhan ng bagyo upang agad na maipagpatuloy ang pagresponde.
Samantala, tagumpay na naisagawa ang 62 search and rescue operations, kung saan mahigit 10,000 indibidwal na apektado ng bagyong Uwan ang nasagip ng PNP. (Ulat mula kay Sheila Natividad)











