
Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na naging mapayapa at walang naitala na malalaking insidente sa buong bansa sa unang araw ng local campaign period para sa 2025 National and Local Elections nitong Biyernes, Marso 28.
Katuwang ang Commission on Elections (COMELEC), Armed Forces of the Philippines (AFP), at ibang law enforcement agencies, nagpatupad ang PNP ng mahigpit na mga ordinansa para matiyak ang kaayusan sa kampanya kabilang ang operational checkpoints at nationwide gun ban.
Tiniyak ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil na nakabantay sa seguridad ang hanay ng kapulisan sa buong panahon ng kampanya hanggang sa Mayo 10, 2025 upang mapigilan ang anumang election-related incidents.
“The PNP is fully prepared to safeguard the democratic process and ensure a peaceful campaign period. We will not tolerate any form of election-related violence or illegal activities that threaten the integrity of the elections. Our security forces are ready to respond to any untoward incidents,” saad ni Marbil.
Nagpaalala ang hepe ng PNP sa mga kandidato at botante na labag sa batas ang pagbili at pagbebenta ng boto kung saan may kaukulang parusa para sa sinumang mahuhuli na sangkot dito.
Hinihikayat din niya ang publiko na maging mapagmatyag, mag-ulat ng anumang paglabag sa halalan, at makipagtulungan sa mga awtoridad upang matiyak ang isang malinis, tapat, at mapayapang proseso ng eleksyon.