IBCTV13
www.ibctv13.com

Posibleng utak sa likod ng talamak na fake news online, iimbestigahan ng NBI

Divine Paguntalan
148
Views

[post_view_count]

PNA and Canva file photo

Tinitingnan ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) kung may mga personalidad o grupo na nasa likod ng talamak na pagkalat ng fake news sa social media.

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, tinututukan nila ang kwestyunableng pagdami ng pekeng impormasyon sa online platforms na tila magkakapareho lamang ng sinasabayan na paksa.

“Pinag-aaralan naming mabuti kung bakit iisa ang tema ng mga vloggers natin ngayon. Meron bang namumuno sa kanila? Tinitingnan po namin ‘yan,” saad ni Santiago.

Upang mas mapalalim pa ang imbestigasyon, nakipagtulungan na ang NBI sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC).

Hindi bababa sa 20 vloggers ang tinukoy ng NBI na umano’y sangkot sa pagpapalaganap ng mga mali at pekeng impormasyon.

Nagpahayag na ng suporta ang ilang senador sa imbestigasyon ng NBI at umaasang tuluyang matutuldukan ang isyu ng fake news sa bansa.

“We support any initiative that will end the operations of peddlers of fake news and disinformation. It is time that these individuals are not only exposed but be brought to justice,’ pahayag ni Senador Joel Villanueva.

Dagdag ni Villanueva, kinakailangan nang amyendahan ang Cybercrime Prevention Act para mapaigting ang pagpapataw ng parusa sa mga mapapatunayan na fake news peddler.

Tinukoy naman ni Senador Grace Poe ang hangganan ng batas pagdating sa malayang pamamahayag.

“While freedom of speech is a fundamental right, it’s not absolute and can be limited to protect public order, morality, national security, and the rights of others. Hindi prinoprotektahan ng batas ang kasinungalingan,” saad ni Poe.

“Fake news has the power to destroy livelihoods, ruin reputations, tear families apart, and sow division in a nation,” dagdag niya.

Nanawagan ang NBI sa mga mambabatas na paigtingin ang batas kontra cybercrime upang mapanagot ang mga indibidwal na namumuno sa pagpapakalat ng maling impormasyon. – VC