Palalakasin ang presensya ng mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa West Philippine Sea (WPS) upang suportahan ang mga Pilipinong mangingisda.
Ito ang matibay na inihayag ni National Security Council (NCS) ADG Jonathan Malaya kasabay ng presensya ng Chinese vessel 5901, na kilala bilang monster ship, sa karagatang malapit sa Zambales.
Nagbigay ng pahayag si Malaya na may mga karagdagang assets mula sa coast guard at Northern Luzon Command na tutulong sa pagsubaybay.
“Mayroon tayong mga ibang assets gaya ng eroplano mula sa coast guard at iba pang mga assets ng ating Northern Luzon Command, ng Area Taskforce North ng National Taskforce West Philippine Sea; at hindi po natin ito pinababayaan ‘no,” saad ni Malaya.
“Tuluy-tuloy iyong ating radio challenge at sinisiguro natin na wala itong ginagawang masama sa loob ng ating exclusive economic zone,” dagdag niya.
Tiniyak ng NSC na patuloy ang kanilang radio challenge upang masiguro na walang iligal na aktibidad ang isasagawa sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Inilarawan ni Malaya ang pagpasok ng monster ship bilang bahagi ng pananakot at pagiging agresibo ng China.
“Parte ito ng intimidation, parte ito ng coercion, aggression, deception ng ginagawa ng China. Pinapakita nila na may ganitong silang barko at tinatakot iyong ating mga mangingisda na mangisda sa West Philippine Sea,” ani Malaya.
Dagdag pa niya, layunin lamang ng China na takutin ang mga Pilipinong mangingisda at pigilan silang maghanapbuhay sa WPS.
Tiniyak naman ng NSC sa mga mangingisda na hindi sila nag-iisa at patuloy ang suporta ng pamahalaan para sa kanila.
“Maluwag naman ang karagatan, tuluy-tuloy lang po kayong mangisda at hindi po titigil ang ating pamahalaan through the coast guard and the BFAR na magbigay ng suporta sa inyo,” wika ni Malaya.
“Kumbaga, notwithstanding the presence of this CG5901 ay walang magiging epekto ito sa operasyon ng ating pamahalaan. We will continue to support all of our fishermen.” dagdag niya. – VC