Pinag-aaralan ngayon ng Department of Transportation (DOTr) na magkaroon ng Public-Private Partnership (PPP) sa railway sector ng bansa sa 2025.
Planong unahin ng DOTr na isailalim sa PPP ang operasyon ng MRT-3 para sa mas pinabuting operasyon ng mga riles at magiging posible lamang ito dahil may sapat na kakayanan ang mga pribadong sektor.
Sa oras na maisapribado ang operasyon ng MRT-3, posibleng pumalo sa 500,000 pasahero kada araw ang maseserbisyuhan nito mula sa kasalukuyang 350,000 bawat araw.
“Mayroon nang unsolicited proposal na nasubmit samin we are evaluating it although in parallel we are looking at the possibility of making it solicited,” saad ni Transportation Secretary Jaime Bautista.
Ayon kay Bautista, ang pagsasaayos ng mass transit gamit ang railway system ay makatutulong upang maibsan ang bigat ng daloy ng trapiko dahil mababawasan ang mga pribadong sasakyan sa national highways.
Samantala, tinitingnan din ng ahensya ang privitization ng busway operation sa gitna ng taong 2025.
“By the middle of next year, may pinag-aaralan tayo na possibility of also privatizing the operations of the busway. ‘Yung Davao public transport modernization program, we are looking at operation and maintenance by the private sector siguro by 2026 or 2027,” paliwanag ni Bautista.
Bago matapos ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., target ng DOTr na ma-privatize ang karamihan sa transport system sa bansa. – DP/VC