Inanunsyo ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma na tapos na ang profiling ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) worker sa National Capital Region (NCR) na nawalan ng trabaho kasunod ng pagsasara ng mga POGO hub sa bansa.
Sa isang panayam ngayong Sabado, Oktubre 5, binigyang-diin ni Sec. Laguesma na malaking bagay ito upang matukoy ang uri ng tulong na ibibigay ng ahensya sa mga apektadong manggagawa.
Katunayan, maglulunsad ng job fairs sa darating na Huwebes, Oktubre 10, para sa mga displaced POGO workers ayon kay Laguesma.
“Gagawin ‘yan sa Ayala Mall Manila Bay sa Parañaque at mayroon din sa Ayala Circuit sa Makati City,” saad ni Laguesma.
Sa tala ng DOLE, nasa humigit-kumulang 70 employers ang makikiisa sa naturang job fairs kung saan bubuksan ang nasa 7,000 trabaho kabilang ang ilan na may kinalaman sa overseas employment.
“Inaanyayahan namin ang mga manggagawa natin sa IGL na lumahok at tingnan kung ano ang kanilang mapupusuang trabaho,” panawagan ng kalihim.
Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ang nationwide ban sa mga POGO sa bansa. -VC