IBCTV13
www.ibctv13.com

Quad Comm, umaasang mabubunyag sa ICC na isang ‘multi-billion-peso racket’ ang umano’y grand budol drug war

Hecyl Brojan
555
Views

[post_view_count]

Former President Rodrigo Roa Duterte appeared for the first time at the ICC pre-trial, March 14. (Photo from ICC)

Habang umuusad ang kaso ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, umaasa ang House Quad Committee na kasabay na mabubunyag ang umano’y “multi-billion-peso racket” sa likod ng kontrobersyal na war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Ayon kay House Assistant Majority Leader Jay Khonghun, sa halip na wakasan ang iligal na droga, mas lumakas umano ang malakihang sindikato, tumaas ang presyo ng droga, at napunta ang kita sa mga iligal na negosyo tulad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

“Para simple, ganito po: Bakit Grand Budol ang War on Drugs? Kasi hindi lang ito madugo—ito po ay isang bilyong-pisong negosyo. Bakit? Kasi sila ang kumontrol sa supply. At kapag sila lang ang natira, sila rin ang nagtakda ng presyo,” ani Khonghun.

Dagdag pa ni Zambales Rep. Khonghun, sa halip na malalaking supplier, naging target ng Duterte administration ang maliliit na personalidad.

Noong Disyembre 2024, inilantad ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop sa pagdinig ng Quad Comm ang paggamit sa drug war bilang pantakip lamang sa isang “grand criminal enterprise” na kinasasangkutan ng matataas na opisyal, katiwalian, at pandaigdigang drug trafficking.

“Ladies and gentlemen, the Quad Comm has started to uncover a grand criminal enterprise, and, it would seem that at the center of it is former President Duterte. Napakasakit po nito dahil pawang tayo ay nabudol,” pahayag ni Rep. Acop.

Ayon sa mga house leader, ang kaso ng dating Pangulo sa ICC ay isang pagkakataon ngayon upang ipakita na hindi lamang patayan ang nangyari sa war on drugs, at sa halip ay isang sistematikong operasyon kung saan kumita ang ilang personalidad mula sa iligal na droga at money laundering sa pamamagitan ng POGOs.

“Dapat hindi lang si Duterte ang managot, kun’di pati lahat ng nakinabang sa pekeng giyerang ito,” ani Khonghun.

Maliban sa international trial, isinusulong din ng Quadcom ang pagsasampa ng mga kasong kriminal sa loob ng bansa laban sa mga sangkot, mula sa mga financier hanggang sa mga prumotekta sa kalakalan ng iligal na droga base sa mga isiniwalat ng mga testigo.

Kabilang na ang mga nadiskubreng ebidensya ng malalaking drug smuggling cases noong 2017 at 2018 tulad ng “Tale of Two Shipments” kung saan P6.4 bilyon at P3.4 bilyong halaga ng shabu ang naipuslit sa bansa sa ilalim ng Bureau of Customs sa pamamagitan ng umano’y “Tara System.”

Sa kabila ng maraming testimonya at ebidensya na iniuugnay sa dating Pangulo at kanyang mga malalapit na tauhan sa illegal drug trade, walang nangyaring aksyon laban sa kanila.

Sa pag-usad ng kaso sa ICC, patuloy na umaasa ang House Quad Comm na mabibigyan ng hustisya ang libu-libong Pilipinong naging biktima ng umano’y pekeng giyera kontra droga. – VC

Related Articles