IBCTV13
www.ibctv13.com

Quiboloy, may ‘life threatening’ condition, mananatili muna sa ospital

JM Pineda
126
Views

[post_view_count]

Mugshot of KOJC leader Apollo Quiboloy (Photo by DILG)

Hindi na muna ibabalik sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader at Pastor Apollo Quiboloy matapos dalhin sa ospital kamakailan kasunod ng naranasan nitong ‘life threatening’ condition na nakita sa isinagawang malalim na konsultasyon umano sa kanya.

Ayon sa PNP, nauna nang idinaing ni Quiboloy ang naramdamang chest pain noong Nobyembre 7 pati na ang nakitang ‘irregular heartbeat’ nito.

Pinayagan mismo ng Pasig Regional Trial Court (RTC) si Quiboloy na pansamantalang manatili sa ospital hanggang Nobyembre 16.

Nilinaw naman ni PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo na walang kinalaman ang pananatili ni Quiboloy sa ospital sa nauna nang hiniling ng kampo nito para sa isang ‘hospital arrest’.

“Ito lang po ay para bigyan daan po yung gagawin medical examination dahil marami po ang kailangan gawin sa kanya,” paliwanag ni Fajardo.

Binigyang-diin ni Fajardo na tinitiyak lamang ng PNP na hindi malalagay sa alanganin ang buhay ng pastor dahil mayroon na itong medical condition at sumailalim noon sa isang heart procedure kahit pa tinututukan naman ang kanyang kalusugan sa PNP Custodial Center.

“Regular po siyang kinukuhanan ng dugo, regular po siyang minomonitor ng mga health service. May mga nurses po palaging nakastandby dun po sa custodial center to cater po dun sa mga detainee,” saad ni Fajardo.

Sa huling ulat ng PNP, stable na ang lagay ni Quiboloy at may ilang mga medical examination at procedure na lamang na kailangang isagawa sa kanya.

Tinitiyak din ng PNP ang mahigpit na seguridad ni Quiboloy habang nasa ospital kung saan pili lamang ang papayagan na makadalaw sa kanya. – VC