
Halos isang buwan lamang matapos ilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., aabot na sa higit 12,000 na ulat at reklamo ang natanggap ng ‘Sumbong sa Pangulo’ website kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects sa bansa.
Sa kanyang BBM Podcast Episode 4 nitong Linggo, ibinunyag ng Pangulo na bukod sa flood control projects ay naglalaman din ang reklamo tungkol sa isyu ng road paving at road widening projects.
“Of course, we started talking about only flood control. Pero siyempre, nagkaroon ang tao ng line of communication sa akin na para makapagreklamo sila, ginagamit talaga nila,” saad ni Pangulong Marcos Jr.
Tinawag niya bilang “very effective” ang naturang online reporting platform at hinimok ang publiko na patuloy pa itong gamitin.
“That’s why I encourage everybody. Lahat ng hinihikayat ko kayo. Pagka meron talaga kayong gusto ireklamo, ireklamo ninyo,” dagdag niya.
Kaugnay nito, tiniyak ng punong ehekutibo na may isang independent commission nang binubuo upang mag-imbestiga sa maanomalyang flood control projects bilang bahagi rin ng mas pinaigting na kampanya laban sa katiwalian sa paggamit ng pondo ng bayan. – VC