IBCTV13
www.ibctv13.com

Rice import ban hanggang matapos ang 2025, pinag-aaralan — DA

Earl Tobias
142
Views

[post_view_count]

DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. (Photo from DA)

Posibleng palawigin pa hanggang sa katapusan ng 2025 ang ban sa rice importation bilang dagdag na proteksyon sa kita ng mga lokal na magsasaka, ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Matatandaang una nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 60-day suspension ng rice imports simula Setyembre 1, kasabay ng peak harvest season.

Ngayong pabagsak ang presyo ng palay bunsod ng sunud-sunod na masamang panahon, inanunsyo ni Secretary Laurel na pinaplano na ang isang Executive Order para palawigin ang nasabing ban.

“Ang problema kasi bumagsak na naman ang presyo ng palay. Balita namin last week ay bumagsak na to P8, at kanina lang may naririnig akong P6 — so it’s quite alarming,” ani Laurel.

Dagdag pa ng kalihim, maglalabas ng kautusan para pagbawalan ang mga LGU at iba pang ahensya ng gobyerno na bumili ng imported rice upang masigurong mapapakinabangan ng mga magsasaka ang bentahan ng kanilang ani.

Pagkatapos ng import ban, itutulak din ng kagawaran ang posibleng pagbabalik sa mas mataas na taripa sa imported rice. 

Hulyo ng nakaraang taon nang ibinaba sa 15% ang taripa upang maibsan ang mataas na presyo ng bigas. Nais ni Laurel na irekumenda sa Kamara na maibalik ito sa 35%.

“Nag-coordinate na kami nina Sec. Ralph (Recto) at Sec. Go, at sa directive ng Pangulo ay nire-review na kung ano talaga. They are running the numbers now from 20, 25, or 35%. Hopefully we make a decision before the closure of the ban,” saad ng kalihim.

Bilang dagdag na hakbang, isinumite na rin sa Pangulo ang panukala para sa isang EO na magbibigay-daan naman sa emergency procurement ng palay at pagrenta ng mga warehouse na maaaring pag-imbakan ng mabibiling ani.

Ipinresinta ng DA ang mga planong ito kasabay ng pagdepensa ni Laurel sa plenaryo ng Kamara para sa hiling na P176 bilyong pondo ng ahensya para sa 2026. — DP/VC

Related Articles

National

Ruth Abbey Gita-Carlos, PNA

158
Views