Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawigin pa ang sakop ng rice program na P29 at Rice-for-All (RFA) sa ilalim ng Kadiwa ng Pangulo Program.
Isa sa mga hamon na kinakaharap ng mga naturang programa ay ang limitadong naaabot nito sa mga Kadiwa outlet at ang maliit na sakop na sektor ng benepisyaryo.
Dahil dito, ipinag-utos niya sa Department of Agriculture (DA) at Department of Budget Management (DBM) na pag-aralan ang pagpapalawak ng programa bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na masugpo ang tumataas na presyo ng bigas gayundin ang matugunan ang pangangailangan sa pagkain ng mga mahihirap na sektor ng lipunan.
Ibinahagi ng Pangulo na nagkaroon na sila ng pagpupulong ng mga opisyal ng DA at National Irrigation Administration para pag-usapan ang mga paraan upang mapababa pa ang presyo ng bigas dahil magiging hadlang din sa programa kung may kakulangan sa suplay.
Samantala, pumalo na sa 704,126 kilogram ng bigas ang naibenta sa ilalim ng P29 program sa loob lamang ng 13-week period na pagpapatupad nito habang tinatayang nasa P20.42 milyon ang gross sale ng mga kooperatiba ng magsasaka at mangingisda (farmers and fisherfolk cooperatives and associations/FCAs).
Ang kabuuang kita naman ng FCAs sa ilalim ng RFA ay umabot na sa P117,858.90.
Inaasahan na magtatagal ang P29 Program hanggang Disyembre 2025 upang makapagbigay sa marami pang Pilipino ng mas abot-kaya at accessible na bigas. – VC