Isinusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang sapat na alokasyon para sa mga programa ng Department of Education (DepEd) matapos malaman na posibleng magpalala sa problema sa kakulangan ng mga guro ang pagbawas sa pondo ng kagawaran ngayong 2025.
Sa isinagawang pulong kasama si DepEd Secretary Sonny Angara, napansin ng punong ehekutibo ang kakulangan sa pondo para sa iba’t ibang proyekto sa kabila ng paglalagay sa edukasyon bilang isa sa prayoridad ng kanyang administrasyon.
“We have to be able to show that that’s (education) the priority,” pagbibigay-diin ni Pangulong Marcos Jr.
Matatandaan na mula sa P748-bilyong panukalang pondo ay tanging P737 bilyon lamang ang inaprubahan ng Kongreso.
Ang natapyas na badyet ay gagamitin sana sa paglikha ng bagong school personnel positions, sa Basic Education Facilities Fund (BEFF), at implementasyon ng DepEd Computerization Program (DCP).
Ayon sa DepEd, binigyan lamang ng P2.43 bilyon ang DCP, higit na mababa mula sa P12.379 bilyong proposed budget para sa nasabing programa.
Binigyang-diin ng ahensya na makakaapekto sa paghahatid ng mga kinakailangang kagamitan ng mga guro at mag-aaral ang binawas na pondo kabilang ang laptops, smart TVs at satellite-based internet.
Bukod dito, maaapektuhan din ng lumiit na BEFF ang konstruksyon ng mga bagong school buildings.