IBCTV13
www.ibctv13.com

Sariling imbestigasyon ng Kamara vs ‘ghost students’ sa DepEd SHS Voucher Program, mungkahi ng mambabatas

Divine Paguntalan
61
Views

[post_view_count]

Photo from DepEd; House of Representatives

Hinimok ni House Assistant Majority Leader Jil Bongalon ang House Committees on Basic Education and Culture at Good Government and Public Accountability na magsagawa ng joint motu proprio inquiry kaugnay sa umano’y ‘ghost students’ sa Senior High School (SHS) Voucher Program ng Department of Education (DepEd).

Nakarating kay AKO BICOL Party list Rep. Bongalon ang mga ulat na may ilang pribadong paaralan umano ang naglilista ng mga mag-aaral na ‘non-existent’ mula pa noong 2016 upang makakuha ng pondo mula sa voucher program.

Batay sa paunang imbestigasyon, ang hinihinalang mga ghost student ay nagdulot ng milyun-milyong pagkalugi sa pondo ng sektor ng edukasyon.

“Hindi lang pera ng bayan ang nawawala, pati tiwala ng mga tao sa ating sistema ng edukasyon ay nasisira,” saad ni Bongalon.

Dagdag pa ng mambabatas, posibleng nagsimula umano ang naturang modus sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at hinihinalang nagpatuloy sa panunungkulan ni noo’y DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte.

“Ilang taon na pala ang ghosting modus na ito, pero bakit parang napabayaan na lang na magpatuloy? Kailangan nating silipin kung nasaan ang butas at sino ang dapat managot,” ani Bongalon.

Matatandaang sinimulan na ng DepEd, sa pangunguna ni Secretary Sonny Angara, ang isang internal probe sa 12 pribadong paaralan kaugnay ng isyu.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Rep. Bongalon ang kahalagahan na magkaroon ng hiwalay na imbestigasyon ang Kongreso upang matukoy ang pananagutan ng mga pribadong paaralan at mga sangkot na opisyal ng DepEd, gayundin ang makapagpasa ng mga panukalang batas upang maiwasan nang maulit ang ganitong modus.

Binigyang-diin din ni Bongalon ang kahalagahan ng integridad ng SHS Voucher Program upang masigurong tunay na mag-aaral at hindi mga pekeng benepisyaryo ang nakikinabang. – VC

Related Articles

National

Hecyl Brojan

204
Views