Nananatiling ‘top priority’ ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sektor ng edukasyon para sa taong 2025.
Ito ang tiniyak ng Pangulo kasunod ng kanyang paglagda para sa 2025 national budget kung saan mayroong alokasyon na P1.05 trilyon ang Department of Education (DepEd).
Layon ng pondong ito na maisakatuparan ang mga proyekto at programa para mabigyan ng dekalidad na edukasyon ang mga kabataang Pilipino gayundin ang maipagkaloob ang kinakailangan ng mga guro.
Nauna nang ipinahayag ni Education Secretary Sonny Angara na plano ng ahensya ang modernisasyon at computerization sa sektor para tuluy-tuloy na makasabay ang mga mag-aaral at guro sa advancement ng teknolohiya.
Aniya, nakikipag tulungan na rin ang DepEd sa mga pribadong kumpanya para sa libreng internet at ilang educational tools and materials na maaaring magamit sa mga paaralan habang nagkaklase.
Samantala, kabilang din sa prayoridad ng administrasyon sa ilalim ng pondo sa susunod na taon ang mga sumusunod na ahensya:
Department of Public Works and Highways (DPWH) – P1.007-T;
Department of National Defense (DND) – P315.1-B;
Department of the Interior and Local Government (DILG) – P279.1-B;
Department of Health (DOH) – P267.8-B;
Department of Agriculture – P237.4-B;
Department of Social Welfare and Development (DSWD) – P217.5-B;
Department of Transportation (DOTr) – P123.7-B;
Judiciary – P64.0 B;
Department of Justice (DOJ) – P42.2-B.
Matatandaang mismong si Pangulong Marcos Jr. ang nagsabi na pag-aaralan at aayusin nito ang budget na nakalaan sa DepEd kasunod ng pagtapyas ng pondong nakalaan sana sa computerization program ng ahensya. – AL