IBCTV13
www.ibctv13.com

Sen. Gatchalian: Mga pampublikong paaralan, dapat kabilang sa free Wi-Fi program

Alyssa Luciano
293
Views

[post_view_count]

(Photo by Municipality of Marcos, Ilocos Norte)

Naniniwala si Senator Sherwin Gatchalian na marapat lamang na isama ang mga pampublikong paaralan sa free Wi-Fi program ng Department of Information and Communication Technology (DICT) kasabay ng pagsulong niya para sa mas mabisang implementasyon nito sa bansa.

“Of course, we want to help roll out the free Wi-Fi program. I also chair the Basic Education Committee and one of the things that the committee and Secretary Sonny Angara are pushing very hard is education technology or edtech. And of course, the crucial element of edtech is connectivity,” saad ni Gatchalian sa budget briefing ng DICT.

Sa deliberasyon, kinumusta ng senador ang estado ng implementasyon ng naturang programa kung saan sinabi ng DICT na nasa 125,000 free Wi-Fi ang initial target ng ahensya na maikabit sa mga pampublikong lugar.

Sa kasalukuyan ay nasa 6,700 na mga pampublikong lugar pa lamang ang may free Wi-Fi sa bansa at may 13,000 access points.

Upang ma-roll out ang programa sa 125,000 na pampublikong lugar, kinakailangan ng budget na P58 billion kada taon ayon kay DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy.

Patuloy na humahanap ng paraan ang ahensya upang maging mabisa ang pagpapatupad ng free WiFi program kasama na ang pakikipagtulungan sa mga telecommunication company para sa pagbuo ng mga bagong cel site lalo na sa mga geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs).

Habang tiniyak ni Gatchalian ang suporta sa programa ng ahensya, hinihingi niya ang mga detalye kasama ang timeline at target nito.

Matatandaang inihain ng Basic Education Committee Chair ang ‘Digital Transformation in Basic Education Act’ na layong mapalakas ang paggamit ng ‘information and communications technology’ (ICT) sa pag-aaral pati na rin sa pag-digitalize ng mga workflow ng Department of Education (DepEd). -VC

Related Articles