
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapatupad ng service contracting program simula Abril 15, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng kaganapan sa Middle East na labis na nakakaapekto sa transport sector.
Sa katatapos na meeting ng UPLIFT Committee na pinangunahan ng Pangulo, isa sa mga pangunahing solusyon na napagkasunduan ay ang pagpapalakas ng service contracting program sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr).
Sa ilalim ng programa, babayaran ng gobyerno ang mga public utility vehicle (PUV) operator at driver ng halagang mula P40 hanggang P100 kada kilometro, bilang dagdag sa kanilang kinikita mula sa mga pamasahe ng mga pasahero.
Para naman sa mga komyuter, sinabi ng Pangulo na magkakaroon ng hindi bababa sa 20% diskwento sa pamasahe bilang bahagi ng programa.
Ipinaliwanag ng Pangulo na tututok ang mga ruta sa mga lugar na may koneksyon sa mga tren at pangunahing bus routes upang mas mapabilis at maging maayos ang daloy ng biyahe.
Target ng pamahalaan na maipatupad ang programa sa buong bansa, na inaasahang pakikinabangan ng nasa 50,000 drivers, 1,000 operators, at 15 milyong pasahero.
Ipatutupad ang programa sa mga oras na hindi rush hour o off-peak hours upang matiyak na may masasakyan pa rin ang publiko kahit sa mga oras na limitado ang biyahe.
Upang masiguro ang kalidad ng serbisyo, lahat ng sasakyang lalahok sa programa ay kinakailangang may GPS monitoring system upang mabantayan ang aktwal na operasyon at masiguro ang maayos na serbisyo sa mga pasahero. – VC











