Isa nang ganap na batas ang Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act kasunod ng paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dito ngayong Huwebes, Nobyembre 7.
Layon nitong tugunan ang matagal nang suliranin ng Pilipinas para sa sistematikong skills training na nakikitang magiging tulay upang maging ‘globally competitive’ ang mga manggagawang Pilipino.
Kabilang sa layunin nito ang gawing mas accessible ang mga pagsasanay na akma sa kung ano ang kinakailangan ng merkado at mabigyan ng pagkakataon ang mga manggagawa na magkaroon ng mataas na posisyon sa trabaho.
“By establishing a framework on career advancement and industry-relevant skills, this law directly addresses the issues on the lack of formal training and skill mismatches, ensuring that every Filipino can contribute and benefit from our nation’s growth,” pahayag ni Pangulong Marcos Jr.
Sa ilalim din ng EBET Framework, malaki ang tiwala ng Pangulo na makatutulong ito na mapaunlad pa ang employment rate sa bansa kasunod ng mga naitalang magandang datos nitong mga nagdaang buwan, dahil magbubukas ito ng mas marami pang trabaho at iba pang oportunidad para sa mga Pilipino. – AL