Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na awtomatiko nang kasali ang mga single parent at kanilang anak o dependents sa National Health Insurance Program ng ahensya.
Sa inilabas na Circular 2024-0020, binanggit ng PhilHealth na sasagutin nila ang premium contribution ng mga solo parent na walang trabaho sa ilalim ng Republic Act No. 11861 o ang Expanded Solo Parents Welfare Act.
Kinakailangan lamang na irehistro ang kanilang PhilHealth membership at ilagay ang ‘indirect contributor’ sa membership type at ‘solo parent’ naman sa subtype.
Paalala ng PhilHealth, tanging ang mga holder lamang ng valid solo parent identification card (SPIC) ang papayagang makapagrehistro.
Layon ng nasabing hakbang na isulong ang karapatan ng mga solo parent at tiyaking naibibigay sa kanila ang nararapat na social protection. -VC