IBCTV13
www.ibctv13.com

Sorsogon Sports Arena, maaaring maging National Training Camp para sa mga atleta- PBBM

Divine Paguntalan
315
Views

[post_view_count]

The newly-inaugurated Sorsogon Sports Arena in Bicol region has 12,000 seating capacity. (Photo by PCO)

Umaasa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makatutulong ang bagong bukas na P1.2-bilyong halaga na Sorsogon Sports Arena (SSA) upang makalikha pa ng mas maraming atletang Pilipino na pambato sa Olympics.

Sa inagurasyon ng SSA sa Bicol region, hinikayat niya na gawing National Training Camp ang sports arena para sa mga nangangarap na atleta.

“[Maaari] rin itong [gamitin] bilang National Training Camp sa mga atletang Pilipino. Ito po ay isang mahalagang hakbang upang maitaguyod natin ang ating mga kababayan na may angking galing sa larangan ng palakasan. Sa tulong nito, mabibigyan sila ng pagkakataon upang mahasa pa ang kanilang mga talent,” mensahe ng Pangulo.

Naniniwala ang Pangulo na marami pang mga Pilipino ang kayang makapagbigay ng karangalan sa bansa, gaya na lamang sa matagumpay na 2024 Paris Olympics.

“Tulad din ng mga Olympians natin na lumahok nitong 2024 na Paris Olympics, hangarin natin sa pamamagitan ng arena na ito, [na] lalo pang dumami ang mga kababayan natin na magbibigay ng dangal sa ating bansa. Harinawa ay maidagdag pa natin sila sa hanay ng ating Olympian at atletang Pinoy,” dagdag niya.

Bukod dito, gagamitin din ang arena sakaling may mga summit, concert at iba pang kompetisyon sa bansa.

Aabot sa 12,000 katao ang tinatayang kapasidad ng SSA na binubuo ng 139 kwarto para sa accommodation ng mga atleta at iba pang bisita. —VC