
Opisyal nang inilunsad ng Philippine National Police (PNP) ang Special Task Force-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (STF-BARMM) nitong Lunes, Marso 24, bilang bahagi ng paghahanda para sa National at Local Elections 2025 sa naturang rehiyon.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang isang maayos, mapayapa, at patas na eleksyon sa BARMM.
Pinangunahan ni PLTGEN Bernard M. Banac, Commander ng Area Police Command-Western Mindanao, ang activation na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa PNP, Commission on Elections (COMELEC), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine Coast Guard (PCG).
Ang pagbuo ng STF-BARMM ay kasunod ng isinagawang Political Candidates Forum at Peace Covenant Signing noong Marso 19 sa Cotabato City, na dinaluhan mismo ni PNP Chief, PGen. Rommel Francisco D. Marbil bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng ahensya na matiyak ang seguridad sa buong BARMM, mula sa mainland hanggang sa mga isla nito.
Ayon kay Marbil, sa tulong ng pambansang pamahalaan at suporta ng mga komunidad ng BARMM, handa na ang STF-BARMM, kasama ang COMELEC, AFP, at PCG, sa pagtiyak ng kaligtasan at mapayapang halalan sa Mayo 2025.
– VC