
Taos-pusong ipinagpasalamat ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na i-exempt ang mga programa ng ahensya mula sa election spending ban.
Sa isang memorandum na inilabas ng COMELEC nitong Marso 18, inaprubahan ng komisyon ang hiling ng DSWD para hindi maantala ang pagbibigay ng serbisyo sa mga Pilipino lalo na sa mga benepisyaryo ng ahensya.
“Nagpapasalamat kami sa pagtugon ng COMELEC positively sa exemption, ibig sabihin yung mandato natin sa ating mahihirap na kababayan tuluy-tuloy yon kahit na may election ban,” mensahe ni Gatchalian.
Matatandaang naaprubahan ang unang hiling ng DSWD na exemption para sa 28 welfare programs noong Enero 8.
Tiniyak naman ni DSWD Assistant Secretary at Spokesperson Irene Dumlao na mahigpit namang ipatutupad at susundin ng kagawaran ang terms and recommendations ng COMELEC, alinsunod sa memorandum.
Hindi lamang papayagan na mamahagi ng mga ayuda ang Ayuda sa Kapos ang Kita (AKAP), Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa Mayo 2 hanggang 12, maliban na lamang kung kinakailangan sa medical at burial assistance.
Pinatitiyak din ng COMELEC na wala dapat kandidato sa eleksyon ang kasama tuwing magkakaroon ng pamamahagi ng cash grants sa ilalim ng AKAP, AICS at 4Ps. – AL