Inanunsyo ng Social Security System (SSS) na maaari nang mag-apply ang mga miyembro at pensionado na naapektuhan ng Severe Tropical Storm Kristine para sa kanilang salary at pension loans.
Ayon kay SSS Senior Vice President for Lending and Asset Management Group Pedro T. Baoy, ang mga loan programs ay bahagi ng kanilang pagsisikap na matulungan ang mga apektadong miyembro sa panahon ng sakuna.
“As part of our proactive response to the urgent financial needs of our members and pensioners during natural calamities, the SSS loan programs are readily available to support their recovery,” saad ni Baoy.
Para makapag-apply ng isang buwang salary loan, kinakailangang may 36 buwan na kontribusyon ang mga employed, self-employed, at voluntary members, kung saan anim (6) dito ay dapat na-post sa nakaraang 12 buwan.
Samantala, maaari rin mag-apply ng pension loan ang mga pensionado at posibleng umabot mula tatlo hanggang labindalawang beses ang kanilang basic monthly pension na hindi hihigit sa P200,000.
Para sa mga nais na magpasa ng aplikasyon sa loan online, pumunta lamang sa My.SSS Portal o kaya naman sa mga SSS branch. – IP