
Dahil sa lawak ng pinsalang idinulot ng nagdaang Typhoon Tino at bilang paghahanda sa pagpasok ng Bagyong Uwan sa bansa, nagdeklara na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng State of National Calamity ngayong Huwebes, Nobyembre 6.
Paliwanag ng Pangulo, mahalaga ito upang mapabilis ang paggamit ng emergency funds at pamamahagi ng tulong sa mga lugar na labis na napinsala ng kalamidad.
“We will declare a national calamity because ilang regions na ‘yan e. Almost 10 regions, 10-12 regions that will be affected so ‘pagka ganon karami, gano’n ang scope, then we really have to. It is a national calamity.” saad ng Pangulo,
Batay sa weather forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), mas malakas ang paparating na Bagyong Uwan na inaasahang tatama sa Central o Northern Luzon, partikular sa Cagayan sa Biyernes o Sabado (Nobyembre 7-8) kumpara sa Bagyong Tino na nagdulot ng matinding pinsala sa Visayas.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos Jr. na tuluy-tuloy ang malawakang relief operations ng pamahalaan para maihatid ang tulong sa mga apektadong kababayan, gayundin ang paghahanda sa posibleng epekto ng paparating na kalamidad. (Ulat mula kay Sheila Natividad, IBC News) – IP











