IBCTV13
www.ibctv13.com

STS Trami, ST Kong-Rey sa labas ng PAR, patuloy binabantayan ng PAGASA

Ivy Padilla
1289
Views

[post_view_count]

Satellite image of STS Trami and ST Kong-Rey outside the PAR as of 5:00 a.m. on Saturday, October 26. (Screengrab from PAGASA)

 

Patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang dalawang bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Sabado, Oktubre 26.

May international name na Severe Tropical Storm (STS) Trami, ang dating bagyong Kristine ay nakalabas na ng PAR bandang 2:00 p.m. kahapon, Oktubre 25.

As of 3:00 a.m., huli itong namataan sa layong 630 kilometro kanluran ng Bacnotan, La Union taglay ang lakas ng hangin na nasa 95 km/h na malapit sa gitna at pagbugsong umaabot hanggang 115 km/h.

Bagaman nakalabas na ng PAR, patuloy nagdudulot ng mga kaulapan ang trough ng bagyo sa western section ng Southern Luzon.

Sa latest Track and Intensity Forecast ng PAGASA as of 11:00 p.m. ng Biyernes, patuloy na kikilos si Trami sa direksyon ng kanluran simula ngayong araw hanggang Linggo, Oktubre 27.

Pagsapit naman ng Lunes hanggang Miyerkules, bahagyang liliko ang paggalaw ng bagyo papalapit muli sa western boundary ng bansa.

Paglilinaw ng PAGASA, depende pa rin ang ‘looping movement’ ni Trami sa ‘behavior’ ng mga weather system na nakakaapekto sa labas ng PAR.

Mahigpit ding binabantayan ng weather bureau ang Tropical Storm na may international name na Kong-Rey.

Huli itong namataan sa layong 1,825 kilometro silangan ng Central Luzon na may lakas ng hangin na 65 km/h at pagbugsong umaabot hanggang 80 km/h.

Inaasahang papasok sa PAR si TS Kong-Rey bukas at papangalanan bilang bagyong Leon.

Samantala, asahan sa Metro Manila ang mas maaliwas na panahon ngayong araw maliban na lamang sa tsansa ng panaka-nakang pag-ulan bunsod ng localized thunderstorms.

Hinihikayat ang publiko na maging alerto sa posibleng pagbabago sa lagay ng panahon.

Related Articles