IBCTV13
www.ibctv13.com

Sumbong sa Pangulo website, inilunsad ni PBBM para mabantayan ng publiko ang flood control projects

Divine Paguntalan
116
Views

[post_view_count]

sumbongsapangulo.ph website

Pormal na inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang sumbongsapangulo.ph, isang online website na magbibigay-daan sa publiko upang makita ang listahan ng flood control projects sa buong bansa.

Sa feature ng website, maaaring magsumite ng ulat o reklamo ang taumbayan hinggil sa mga hinihinalang iregularidad sa flood control project sa kanilang lugar.

Ayon sa Pangulo, layunin ng website na gawing mas madali at bukas sa publiko ang impormasyon patungkol sa mga proyektong pangbaha upang masuri ng mamamayan.

“(We) put it into a form that is accessible to the public, and most importantly, it is in a form that the public can use so that they can first identify the flood control projects that are within their area,” saad ng Pangulo.

“If they already have information, they can tell us about it. Kung maganda ang naging project, kung hindi naging maganda yung project, anong naging problema,” dagdag niya.

Binigyang-diin ng punong ehekutibo na mahalaga ang partisipasyon ng mamamayan sa pagtuklas ng anomalya at pagtitiyak ng transparency sa implementasyon ng P545-bilyong flood control program mula Hulyo 2022, simula ng kanyang termino.

Aniya, kapag may ebidensya ng korapsyon, pandarambong, o maling paggamit ng pondo, agad na kikilos ang gobyerno laban sa mga sangkot na indibidwal.

Matatandaan na sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos Jr., ibinaba niya ang direktiba na i-audit ang lahat ng flood control projects sa nakalipas na tatlong taon bilang bahagi ng mas mahigpit na pagbabantay at pananagutan sa paggastos ng pondo ng bayan. – VC