
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na titimbangin muna ng pamahalaan ang galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado bago magpatupad ng suspensyon sa excise tax ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Kasunod ito ng pag-apruba ng Kongreso sa panukalang magbibigay ng karapatan sa Pangulo para suspendihin o bawasan ang fuel excise tax.
Binigyang-diin ng punong ehekutibo na hindi niya basta-basta gagamitin ang kapangyarihang ibinigay sa kanya ng Kongreso.
“Depends on the trends. We have to watch the trends on oil prices,” tugon ni Pangulong Marcos sa isang interview.
“We just have to look. It’s very hard to say because it’s all speculation. We don’t know how long this will last. We don’t know what the effects are. We don’t know what will happen in the Strait of Hormuz,” dagdag niya.
Aniya, mananatiling flexible ang gobyerno sa pagtugon sa pagbabago ng sitwasyon sa labas ng bansa at saka lang kikilos kung kinakailangan.
“So, you know, right now, we are just adjusting to the situation. And when the situation calls for it, then we will see when to exercise that power and by how much,” ayon sa Pangulo.
Sa ngayon, tiniyak niya sa publiko na walang dapat ipangamba sa suplay ng petrolyo sa bansa, gayundin ang mga fertilizer na nakaasa sa langis para sa mga magsasaka.
Sa ilalim ng panukalang inaprubahan ng Senado at Kamara, maaring magpatupad ang Pangulo ng suspensyon sa excise tax sa langis sa oras na umabot sa halos US$80 per barrel ang presyo ng krudo sa Dubai. (Ulat mula kay Harley Valbuena)










