Nakapagtala ng ilang mga aktibidad ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa bulkang Kanlaon sa Negros Island at Taal sa Batangas batay sa 24 na oras na pagmamanman ng ahensya.
Niyanig ng siyam na volcanic earthquakes ang bulkang Kanlaon sa loob ng nakalipas na 24 oras kasabay ng paglalabas nito ng 1,919 na tonelada ng asupre.
Umabot din sa 500 metrong taas ang pluma na inilabas ng naturang bulkan na maituturing na malakas na pagsingaw kasabay ng pamamaga nito.
Ayon sa Phivolcs, posibleng makaranas ng biglaang pagputok ng steam o phreatic explosion sa Kanlaon kaya naman ipinagbabawal ang pagpasok sa apat na kilometrong radius Permanent Danger Zone (PDZ) nito pati na rin ang pagpapalipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan.
Samantala, dalawang phreatic eruptions o mahinang pagputok naman ang naitala sa Taal Volcano na nagtagal ng apat hanggang pitong minuto ang haba.
Namataan din ang katamtamang pagsingaw sa bulkan na may taas na 900 metro, kasabay ng pagbubuga nito ng 2,064 tonelada ng asupre sa nakaraang araw.
Nagbabala na ang ahensya para sa posibleng biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, manipis na ashfall, pati na ang pag-ipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas mula sa Taal.
Ipinagbabawal muna ang pagpasok sa Taal Volcano Island (TVI) pati na ang pagpapalipad ng anumang aircraft sa ibabaw ng bulkan.
Nananatiling nakataas ang Alert Level 2 sa Kanlaon Volcano habang Alert Level 1 naman sa bulkang Taal. —VC