IBCTV13
www.ibctv13.com

Taas-singil sa kuryente, ipatutupad ngayong Nobyembre – MERALCO

Patricia Lopez
203
Views

[post_view_count]

Linemen checking electric posts. (Photo by PTV)

Inanunsyo ng Manila Electric Company (MERALCO) na magkakaroon sila ng taas-singil sa kuryente ngayong Nobyembre.

Mula sa P0.3587 kada kilo watt hour (kwh) na bawas-singil noong Oktubre, tataas ito ngayong buwan ng P0.4274 /kwh o katumbas ng P85 na dagdag sa kabuuang bill ng isang residential consumer na kumukonsumo ng kada 200 kwh.

Pinaliwanag naman ng MERALCO na ang naturang pagtaas ay bunsod ng pagsipa sa transmission charge at generation charge na binabayaran ng kumpanya sa mga power supplier at grid operator na sinabayan pa ng paghina ng piso.

“From september to october we saw that biggest month on month exchange of the peso since september 2022 so ito yung pinaka mabilis na paghina ng piso in more than two years eh karamihan sa ating cost ng generators ay dollar dominated lalo na fuel cost kasi inaangkat yung fuel at kahit malampaya even the indigenous it is priced in dollars,” paliwanag ni Larry Fernandez, MERALCO Head of Utility Economics.

Para naman sa mga komunidad na hindi pa rin nakakabangon dulot ng mga tumamang bagyo mula pa kay STS Kristine, pansamantalang sinuspinde ang disconnection activities hanggang Disyembre 2024, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng Energy Regulatory Commission (ERC).

“Immediately MERALCO suspended disconnection activities dun sa mga areas na affected na naidentify na kailangan bigyan ng tulong so this is Cavite, Batangas, Laguna, Quezon at Quezon City…this will be until december 2024…those who will opt to ask for installment payment arrangements for 6 months for customers October December bills we are more than willing to give relief and assistance,” pahayag ni MERALCO Spokesperson Joe Zaldarriaga.

Samantala, nagpaalala rin ang electric company sa publiko na magkaroon ng electrical safety practices upang maiwasan ang sunog, lalo na at papalapit na ang kapaskuhan kung saan maraming gagamit ng mga pailaw bilang christmas decorations. – DP/VC

Related Articles