IBCTV13
www.ibctv13.com

Tone-toneladang smuggled mackerel, nasabat ng pinagsamang pwersa ng DA, BFAR, BOC

Patricia Lopez
302
Views

[post_view_count]

Smuggled mackerels intercepted by authorities on Wednesday, October 30. (Photo by BOC)

Nasabat ng pinagsamang pwersa ng Department of Agriculture (DA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at Bureau of Customs (BOC) ang tone-toneladang mackerel na ipinuslit sa 21 mga container van ngayong Miyerkules.

Balak ipamahagi ng awtoridad ang 28,000 metric tons ng frozen mackerel sa mga apektadong komunidad mula sa nagdaang Severe Tropical Storm (STS) Kristine.

Kinakailangan munang dumaan sa test ang mga produktong isda upang matukoy kung ligtas ba itong kainin.

Batay sa imbestigasyon, mula pa sa China ang mga smuggled mackerel at walang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) o ang kinakailangang dokumento para maipasok sa bansa.

“Actually nung pumasok, shipments sa barko na sinakyan nito, mayroong kasabay na legal. So ginawa nila, may legal na kasabay, may legal permit talaga tapos ipinatong nila para subukang ipuslit,” paliwanag ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel.

Binigyang-diin naman ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio na magsasampa sila ng kaso sa oras na matukoy kung sino ang may pakana sa ilalim ng kababatas lamang na Anti-Agriculture Economic Sabotage.

“Pasok na ho sila sa bagong batas na Anti-Agriculture Economic Sabotage para masamplean mga smuggler na ito,” saad ni Rubio.

Nagbabala ang ahensya sa posibleng pagtaas ng presyo ng mackerel sa merkado lalo na at off season ang pangingisda nito ngayong buwan ng Nobyembre.

Dagdag pa ng DA, may posibilidad din na magtaas ang presyo ng gulay sa susunod na mga linggo dahil sa epektong iniwan ng bagyong Kristine. – VC

Related Articles