Napanatili ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang magandang estado ng kanyang trust at satisfaction rating mula sa mga Pilipino para sa buwan ng Nobyembre, batay sa survey ng Tangere.
Mula 59.3% noong Oktubre ay tumaas sa 59.6% ang bilang ng mga Pilipinong nagtitiwala sa pamumuno ni Pangulong Marcos Jr.
Tumaas din ang satisfaction rating ng Pangulo mula sa 46.9% patungo sa 47.3%.
Nakitaan naman ng pagbaba ang trust rating ni Vice President Sara Duterte mula sa 56% noong Oktubre patungong 55.5%.
Maging ang satisfaction rating ng Bise Presidente ay bumaba rin sa 47.5% mula sa dating 48%.
Kasabay nito, nakakuha ng mas mataas na trust at satisfaction rating ang iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan kabilang sina House Speaker Martin Romualdez (57.4%, 47.3%) at Senate President Chiz Escudero (61.3%, 52.5%) habang bumaba naman ng bahagya kay Chief Justice Alexander Gesmundo (42%, 39%). – VC