Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Agriculture (DA) na tiyaking mabilis at maayos ang paghahatid ng suporta sa mga magsasaka ngayong planting season.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng tamang timing sa implementasyon ng tulong pang-agrikultura upang maiwasan ang anumang aberya na maaaring makaapekto sa ani ng mga magsasaka.
“There should be no significant delays to the implementation of agri-support to farmers,” utos ng Pangulo sa DA.
Ibinahagi naman ng ahensya ang kanilang plano para sa sapat na tulong gaya ng pagbibigay ng abot-kayang abono, de-kalidad na binhi at makabagong teknolohiya sa pagsasaka.
Kasabay nito, inatasan din ng punong ehekutibo ang Department of Budget and Management (DBM) na siguruhing may sapat na pondo ang sektor ng agrikultura.
“Be mindful of the planting season. Huwag tayo maiiwanan sa planting season. That’s why you need to come up with timely budgetary support,” dagdag niya.
Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Marcos Jr., layunin ng pamahalaan na palakasin ang nasabing sektor bilang tugon sa mga hamon sa food security gayundin ang matulungan ang mga magsasaka na mas mapaunlad pa ang kanilang kabuhayan. – VC