Sa pagdalo ni Senate Committee on Tourism chairperson Lito Lapid sa 25th National Convention of the Association of Tourism Officers of the Philippines (ATOP) sa Koronadal, South Cotabato, inihayag nito ang pananaw sa turismo na hindi lamang aniya isang industriya kundi isang mahalagang bahagi ng solusyon sa problema ng kawalan ng trabaho sa Pilipinas.
Inilahad din ni Lapid sa harap ng 1,200 na mga delegadong dumalo sa naturang kombensyon ang kanyang suporta para sa One Town, One Product Philippines Act of 2022 at pati na rin sa pagsusulong na maisama ang lokal na produkto at kultura sa promotional campaigns.
“Aside from supporting One Town, One Product Philippines Act of 2022, I am also pushing for the promotion of tourism, under Republic Act 9593 of 2009, in rural areas so that more Filipinos would be employed,” pahayag ni Lapid.
Ayon sa senador, hindi lamang mga negosyante ang makikinabang dito kundi pati na rin ang mga artist at craftsmen sa mga komunidad sa lugar.
Batay sa datos ng Philippine Tourism Satellite Account, higit 6.21 milyong trabaho ang naitala sa sektor ng turismo noong 2023, mas mataas ng 6.4% kung ikukumpara sa 5.84 milyong trabaho noong 2022.
Kaugnay nito ay aabot sa 12.9% ang percentage share ng mga trabaho sa sektor ng turismo mula sa kabuuang bilang ng mga trabaho sa Pilipinas para sa naturang taon. —AL