May 220 Pilipinong nakakulong sa United Arab Emirates (UAE) ang ginawaran ng pardon ng naturang bansa bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang 53rd National Day tuwing Disyembre 2 kada taon.
Nakaugalian na ng UAE government na magkaloob ng pardon tuwing National Day.
Ayon kay Department of Foreign Affairs Undersecretary Ma. Theresa Lazaro, ang paggawad ng pardon sa mga Pilipino ay resulta ng matibay na pagkakaibigan ng Pilipinas at UAE.
Iniuugnay din ito sa naging pagpupulong nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at UAE President Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan noong Nobyembre.
“The pardon for Filipinos, announced on 26 December 2024, was granted in view of the distinguished friendship between the two countries. It is the direct result of President [Ferdinand] Marcos’ meeting with His Highness Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan, President of the United Arab Emirates, last November,” saad ni Lazaro.
Sinimulan na ng DFA at Philippine Embassy sa Abu Dhabi ang proseso ng mga kinakailangang dokumento para sa pagbabalik ng mga pinalayang Pilipino.
Nitong Hunyo 2024 lang nang gawaran din ng UAE ang 143 Pilipino kasabay ng pagdiriwang ng Eid al-Adha. – VC