
Isa umanong underwater drone na tinatayang may 12 talampakan ang haba ang natagpuan ng mga lokal na mangingisda sa dagat na sakop ng Brgy. Barangonan sa Linapacan, Palawan nitong Setyembre 28, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Agad itong isinuko ng mga mangingisda sa awtoridad at kasalukuyan nang nasa kustodiya ng PCG Station Linapacan para sumailalim sa beripikasyon, technical examination at imbestigasyon.
Sa paunang pagsusuri, nakitaan ito ng Conductivity-Temperature-Depth (CTD) sensor, na ginagamit sa pagsukat ng alat, temperatura, at lalim ng dagat o mga pangunahing datos para sa oceanographic profiling.
Nakita rin sa sensor ang Chinese labeling na “海水盐度传感器” (sea water salinity sensor) at isang serial number (CTD-20090334). May mga bakas din ito ng corrosion, indikasyong matagal nang nakalubog sa dagat.
Ayon sa tala, hindi ito ang unang beses na may nadiskubreng katulad na aparato sa bansa. May mga naunang kaso na mula pa noong 2022: sa Pasuquin, Ilocos Norte (Hulyo 2022); Zambales (Setyembre 2022); Calayan, Cagayan (Agosto 2024); Initao, Misamis Oriental (Oktubre 2024); at San Pascual, Masbate (Disyembre 2024).
Sa ilang insidente, natukoy na galing China ang mga unit dahil sa mga nakitang Telecom SIM card, satellite transceivers na konektado sa Beijing-based defense contractor, at mga bateryang may marka ng China Electronics Technology Group Corporation.
Sa ngayon, patuloy ang forensic examination upang malaman ang pinagmulan, operasyon, at posibleng banta ng naturang drone. Hinihikayat ng PCG ang publiko na agad i-report sa pinakamalapit na himpilan ang anumang kahina-hinalang bagay na makita sa dagat. — VC