Halos isang buwan bago ang official turnover of power sa Enero 20, nagdesisyon si US President Joe Biden na gawaran ng pardon ang kanyang anak na si Hunter Biden, humaharap sa ‘three felony gun charges, three felony tax offenses, at six misdemeanor tax offenses’.
Sa inilabas na pahayag ng White House, nanindigan si President Biden na ang mga akusasyon laban kay Hunter ay hindi makatarungan at pawang mga paratang lamang mula sa political opponents na nais hadlangan ang kanyang administrasyon.
Dinepensahan ni Pres. Biden na si Hunter ay walang impluwensya ng alak sa loob ng mahigit limang taon at hindi nararapat patuloy na atakihin.
“There has been an effort to break Hunter – who has been five and a half years sober, even in the face of unrelenting attacks and selective prosecution. In trying to break Hunter, they’ve tried to break me – and there’s no reason to believe it will stop here. Enough is enough,” saad ni Biden.
Ayon pa sa US President, ang mga kaso laban sa kanyang anak ay nagmula sa isang plea deal na nabigo sa US Court dahil sa pandidiin ng mga kalaban sa pulitika.
Nilinaw naman ni Biden na hindi siya nakikialam sa mga desisyon ng Department of Justice, ngunit bilang isang ama, nais niyang ipagtanggol ang kanyang anak.
Umaasa si Biden na mauunawaan ng mga mamamayan ang kanyang desisyon bilang isang hakbang upang ituwid ang mga maling akusasyon laban kay Hunter at upang ipakita ang suporta niya bilang isang magulang. -VC