Agad na nilagdaan ni United States President Donald Trump ang isang executive order para sa pormal nitong pag-alis sa World Health Organization (WHO) ilang oras lamang mula nang isagawa ang inagurasyon nito ngayong Martes, Enero 21 (PH Time).
Aniya, nagkaroon ng pagkakamali at pagkukulang sa management ang health organization noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Bukod dito, binanggit din niya ang umano’y hindi patas na bayarin ng Estados Unidos sa WHO kumpara sa mas mababang kontribusyon ng China kahit na mas malaki ang populasyon sa nasabing bansa.
“The United States noticed its withdrawal from the World Health Organization (WHO) in 2020 due to the organization’s mishandling of the COVID-19 pandemic that arose out of Wuhan, China, and other global health crises, its failure to adopt urgently needed reforms, and its inability to demonstrate independence from the inappropriate political influence of WHO member states,” saad sa E.O. ni Trump.
Nagdulot naman ng pangamba sa eksperto sa kalusugan ang hakbang na ito ng US President dahil maaari umanong mahirapan ang bansa na tumugon sakaling magkaroon muli ng mga susunod na pandemya.
Kaugnay nito, nangangahulugan din na mawawalan ang Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng US sa direktang access para sa mahahalagang pandaigdigang datos na ibinabahagi ng WHO. – AL