
Sa susunod na taon, kasama na sa aaralin ng mga estudyante sa Grade 4, 6, at 10 ang usapin tungkol sa West Philippine Sea (WPS) bilang bahagi ng bagong curriculum ng Department of Education (DepEd) at National Task Force for the WPS (NTF-WPS).
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Jay Tarriela, layon ng inisyatibong ito na labanan ang maling impormasyon ng China at ipaunawa sa kabataan ang kahalagahan ng WPS sa kasalukuyan at sa mga susunod na henerasyon.
Gagamitin sa pagtuturo ang 40-pahinang komiks na “The Stories of Teacher Jun” na ginawa sa tulong ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Justice (DOJ), National Security Council (NSC), University of the Philippines (UP), at mga eksperto gaya nina dating SC Senior Associate Justice Antonio Carpio at Atty. Jay Batongbacal.
Binibigyang-diin sa materyal ang karapatan ng Pilipinas sa WPS, kabilang ang Luzon Sea, Kalayaan Island Group, at Bajo de Masinloc, na nakaangkla sa 1982 U.N. Convention on the Law of the Sea at sa 2016 arbitral ruling na nagpawalang-bisa sa malawak na pag-angkin ng China.
Iginiit naman ni Tarriela na hindi magiging madali ang pagsasaayos sa iligal na pag-okupa ng China sa ilalim ng termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaya mahalagang maihanda ang kabataan sa patuloy na laban para sa soberanya ng bansa.
“That is why we engage our youth today, to help them understand that the responsibility of fighting for the West Philippine Sea is one they must continue in the years to come,” ani Tarriela.