IBCTV13
www.ibctv13.com

VP Sara, posibleng maharap sa kasong plunder dahil sa P112.5-M confidential funds – House Committee

Divine Paguntalan
605
Views

[post_view_count]

Vice President Sara Duterte attended the hearing of the House Committee on Good Government and Public Accountability. (Photo by House of Representatives)

Pinag-aaralan ngayon ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang posibleng rekumendasyon upang sampahan ng kasong plunder si Vice President Sara Duterte sakaling bigo niyang ma-i-account ang P112.5 milyong halaga ng pondo para sa confidential funds.

Ang P112.5-M confidential funds ay na-encash umano bilang cash advances ng isa sa mga close aid ni VP Duterte noong siya pa ang Kalihim ng Department of Education (DepEd).

Ayon sa mga inisyal na pagsusuri sa mga naging pagdinig ng komite, lumalabas na ito’y “withdrawn through three separate checks” at bawat isa ay nagkakahalaga ng P37.5-milyon na naka-isyu kay DepEd Special Disbursing Officer (SDO) Edward Fajarda.

Nabanggit din sa mga nagdaang pagdinig ang paggamit noon ng DepEd ng sertipikasyon mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para palabasin sa Commission on Audit na may P15-milyon silang ibinigay sa Philippine Army para sa isang Youth Training Program – ngunit mariing pinabulaanan ng PA na wala silang natanggap na pera kaugnay rito.

Muli namang binigyang diin ni Pampanga 3rd District Representative at Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. na mahalagang malaman kung saan ginamit ang pondo.

“Kung ang Bise Presidente, bilang pinuno ng DepEd noong panahong iyon, ay hindi makapagbigay ng malinaw at sapat na paliwanag kung paano ginamit ang perang ito, tungkulin namin na ituloy ang kinakailangang mga legal na hakbang, kabilang ang kasong plunder, upang maprotektahan ang interes ng publiko,” pahayag ni Gonzales.

“Pera ito ng taumbayan, at kailangan nating tiyakin na ito ay nagamit ng tama” dagdag niya.

Ang naturang pondo na kinukwestiyon ay bahagi ng P150-milyong nakalaan para sa mga programa noong 2023 tungkol sa ‘prevention’ ng pang-aabuso sa mga paaralan, anti-extremism at pagtugon sa insurgency.

Nauna nang itinanggi ni VP Duterte ang umano’y ‘misuse’ sa confidential funds ng ahensya. – VC

Related Articles