
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang nakalaang bagong pondo para sa flood control projects sa proposed 2026 national budget, dahil mayroon pang P350 bilyon mula sa taong 2025 na hindi pa nagagamit.
Sa Episode 4 ng kanyang podcast, binigyang-diin ng Pangulo na muling isusumite ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nirebisang panukalang pondo ng DPWH para sa taong 2026 sa Kongreso.
“Number one, we already are seeing na lahat ng flood control project na dapat ilalagay sa 2026 na budget, hindi na siguro kailangan. So, there will be no budget for 2026 for flood control. Dahil mayroon naman PHP350 billion for 2025 na hindi pa nauubos talaga,” ani Marcos.
Nilinaw naman ng Pangulo na magpapatuloy pa rin ang mga flood control projects sa susunod na taon, ngunit sasailalim sa mas mahigpit na pagsusuri upang matiyak ang tamang paggastos, maayos na disenyo, at maayos na implementasyon.
Dagdag niya, obligasyon ng mga kontratista na ayusin sa sariling gastos ang mga depektibong proyekto bago muling makakuha ng kontrata mula sa pamahalaan.
Tiniyak din ng Pangulo na tanging bahagi lamang ng DPWH budget ang babaguhin at hindi ang buong 2026 National Expenditure Program (NEP).