
Inilarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang matagumpay at produktibo ang kanyang dalawang araw na working visit sa New York, USA mula Marso 9-10.
Ikinampanya ng Pangulo ang kandidatura ng Pilipinas sa non-permanent seat sa United Nations Security Council (UNSC) upang maging kinatawan ng mga middle income at developing country, at climate-vulnerable nations.
Isinulong din ng lider ang mga interes at karapatan ng kababaihan, kabilang ang edukasyon, proteksyon laban sa karahasan, at pagkakaroon ng espasyo sa iba’t ibang sektor sa lipunan.
Bukod dito, nakapulong ni Pangulong Marcos Jr. si United Nations Secretary-General, António Guterres, kung saan pinagtibay ng bansa ang pangakong pakikipagtulungan sa UN.
Sa sidelines naman ng kanyang pagbisita, nagkaroon din ng pagkakataon ang Pangulo na makausap ang iba’t ibang business leader at investor mula sa nasabing bansa.
Kabilang na rito ang mga opisyal mula U.S Medical Glove company para sa planong pagtatayo ng manufacturing facility sa bansa na makapagbibigay ng mahigit 2,000 trabaho sa mga Pilipino.
Matapos nito, nakipagkita siya sa mga senior leader ng J.P Morgan upang talakayin naman ang nagpapatuloy na economic cooperation at mga pandaigdigang isyu na nakaaapekto sa financial markets.
“Sa pagtatapos ng ating pagbisita sa New York, ipagpapatuloy natin ang paglilingkod sa bayan nang mas mulat sa mga bagong kaalaman, pamamaraan, at mga ugnayan,” pangako ng Pangulo. – IP











