Inaprubahan ng House of Representatives ng Australia ang panukalang batas na magbabawal sa mga batang nasa 16 taong gulang pababa na gumamit ng social media nitong Miyerkules, Nobyembre 27.
Kabilang sa mga nasabing social media platform ang TikTok, Instagram, Facebook, Snapchat, Reddit, at X.
Inaasahang aaprubahan ng Senado ng Australia ang panukalang batas ngayong Huwebes, Nobyembre 28.
“This is a landmark reform. We know some kids will find workarounds, but we’re sending a message to social media companies to clean up their act,” saad ni Australian Prime Minister Anthony Albanese.
Sakaling maisabatas, may isang (1) taon ang mga social media platform upang pag-aralan kung paano ipatutupad ang ‘age restrictions’ bago patawan ng parusa.
Aabot ng hanggang $33 million (50 million Australian dollars) ang itinakdang multa para sa ‘systematic failures’ sa mga platform.
Plano ng Australia na gumamit ng ‘age-verification system’ na kinakailangan ng biometrics o government identification upang matiyak na hindi talaga makagagamit ang mga bata ng social media.
Nagpaalala ang nasabing bansa na walang exemption ang batas kahit pa may pahintulot ng magulang o mayroon nang lumang account. – VC