
Magandang balita para sa mga kawani ng pamahalaan dahil nakatakdang ilabas ng Department of Budget and Management (DBM) sa unang bahagi ng Nobyembre 2025 ang year-end bonus at P5,000 cash gift.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ibibigay ang mga benepisyong ito kasabay ng unang payroll ng buwan ng Nobyembre alinsunod sa Budget Circular No. 2024-3.
“The DBM is one with the President in ensuring that our public servants feel the warmth of our Bagong Pilipinas. Pinapahalagahan po natin ang sipag at kahusayan ng ating mga lingkod-bayan kaya naman, sinisiguro nating maibibigay sa tamang oras ang kanilang mga benepisyo,” ani Pangandaman.
Kabuuang P63.69 bilyon ang inilaan para sa year-end bonus ng mga sibilyan at uniformed personnel. Samantala, may nakalaang P9.24 bilyon para sa cash gift, na sasaklaw sa mahigit 1.85 milyong empleyado ng gobyerno sa buong bansa.
Ito ay katumbas ng isang buwang basic pay batay sa sahod noong Oktubre 31, at ang P5,000 cash gift, ay taunang insentibo bilang pagkilala sa serbisyo at sakripisyo ng mga lingkod-bayan.
Pinaalalahanan din ng DBM ang lahat ng ahensya na agad ipamahagi ang mga bonus alinsunod sa umiiral na mga panuntunan. –VC











