
Mas malaking tulong pinansyal ang matatanggap ng mga pasyenteng nangangailangan ng operasyon sa puso matapos palawakin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang kanilang Z Benefit package para sa open heart surgeries simula Marso 1 ngayong taon.
Sa ilalim ng nasabing package, maglalaro na sa P614,000 hanggang halos isang milyong piso ang halaga ng kanilang coverage para sa mga sumusunod na operasyon:
Coronary Artery Bypass Graft (CABG) – mula P550,000, itinaas sa P660,000 hanggang P960,000
Closure of Ventricular Septal Defect (VSD) – mula P250,000, itinaas sa P498,000 hanggang P614,000
Total Correction of Tetralogy of Fallot (TOF) – mula P320,000, itinaas sa P614,000
Kasabay nito, naglabas ang PhilHealth ng panibagong Z Benefits package para sa Heart Valve Repair at Replacement na nagkakahalaga ng P642,000 hanggang P810,000.
Mayroon na itong libreng cardiac rehabilitation package na P15,000 para sa adult patients at P6,500 para sa pediatric cases.
Libreng gamot at libreng check-up naman ang hatid para sa mga pasyenteng may rheumatic fever or rheumatic heart disease, kinakailangan lamang na mag-enroll sa outpatient benefit package ng health insurance program. – VC