
Nagpatupad ang Pag-IBIG Fund ng isang buwang moratorium sa pagbabayad ng Housing Loan at muling pinaalalahanan ang mga borrower hinggil sa insurance coverage upang makatulong sa rehabilitasyon ng mga miyembrong nasalanta ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao noong Lunes, Hunyo 8.
Ang programa ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agarang maghatid ng tulong sa mga Pilipinong naapektuhan ng mga kalamidad.
Ayon kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta, pinasimple ng ahensya ang proseso ng pag-a-apply para sa moratorium sa alinmang branch ng Pag-IBIG Fund o sa pamamagitan ng Virtual Pag-IBIG.
Aniya, walang karagdagang bayarin, multa, o interes na ipapataw sa mga aprubadong aplikasyon para sa moratorium, habang ang termino ng loan ay awtomatikong palalawigin, o katumbas ng panahong ipinagpaliban ang pagbabayad.
“This one-month payment moratorium is meant to give affected borrowers one less financial concern as they recover. To make the relief easier to access, they may conveniently apply at any Pag-IBIG Fund branch or through Virtual Pag-IBIG, at no cost and without penalties or added interest during the approved moratorium period,” ani Acosta.
Ang moratorium ay maaaring i-avail ng mga kwalipikadong housing loan borrower at installment sale buyer na ang lugar ng trabaho, negosyo, o ang mismong property na isinangla o binabayaran ay nasa mga lugar na idineklarang nasa ilalim ng state of calamity dahil sa lindol.
Samantala, maaaring magsumite ng insurance claims ang mga borrower na nasira ang kanilang mga bahay sa alinmang Pag-IBIG Fund branch o sa opisyal na email address ng ahensya: contactus@pagibigfund.gov.ph.
Bukod sa moratorium at insurance coverage, nag-aalok din ang Pag-IBIG Fund ng Calamity Loan at Home Improvement Loan.
Sa ilalim ng Calamity Loan, maaaring makahiram ang mga kwalipikadong miyembro ng hanggang 90% ng kanilang kabuuang Pag-IBIG regular savings sa interest rate na 5.95% kada taon.
Maaari itong bayaran sa loob ng tatlong taon at may awtomatikong tatlong buwang grace period bago magsimula ang pagbabayad.
Ang Home Improvement Loan ay pautang na hanggang P300,000 para sa pagkukumpuni, pagsasaayos, o pagpapaganda ng bahay.
Maaari itong bayaan sa loob ng limang taon at kasalukuyang may promotional interest rate na 3% kada taon para sa unang 10,000 borrower.
Ayon kay Acosta, layunin ng mga programang ito na matiyak na may sapat na suportang pinansyal at iba pang serbisyong mapagkukunan ang mga miyembro ng Pag-IBIG Fund upang mapabilis at mapagaan ang kanilang pagbangon mula sa pinsalang dulot ng kalamidad. – VC











