
Pormal nang nanumpa sa harap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 10 kalihim ng kanyang Gabinete matapos tumanggap ng ad interim appointments ngayong Biyernes, Nobyembre 6.
Ayon sa Pangulo, ang mga opisyal ang kanyang “best team assembled,” na sumunod sa Gabinete ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
Kabilang sa mga nanumpa sina Executive Secretary Ralph Recto, Department of Justice (DOJ) Secretary Frederick Vida, Department of Budget and Management (DBM) Secretary Kim Robert de Leon, Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Giovanni Lopez, Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino, at Department of Health (DOH) Secretary Edwin Mercado.
Kasama rin sa mga itinalagang opisyal sina Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Juan Miguel Cuna, Department of Tourism (DOT) Secretary Maria Angara-Mathay, Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, at Philippine Space Agency Director General Gay Jane Perez.
Gayunman, kailangan pang dumaan sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments (CA) ang kanilang mga appointment bago tuluyang makumpirma sa kanilang mga posisyon.
Ayon kay Recto, naisumite na ng mga opisyal ang mga kinakailangang dokumento sa komisyon.
Karamihan sa mga opisyal ay dati nang nanunungkulan bilang mga acting official bago pormal na itinalaga sa kanilang mga posisyon.
Bahagi ang mga bagong appointment ng patuloy na pagsasaayos sa Gabinete ng administrasyong Marcos Jr.
Sa seremonya, hinimok ng Pangulo ang mga opisyal na ipagpatuloy ang mga nagawa na ng pamahalaan, tugunan ang mga umiiral na suliranin, at tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng mga pangunahing programa.
Binigyang-diin din ng punong ehekutibo ang pangangailangang mapanatiling abot-kaya ang mga bilihin, matiyak ang ligtas at maginhawang transportasyon para sa mga Pilipino, at pangalagaan ang karapatan ng bawat manggagawa.
Ang CA ang nagsisilbing tagapagsuri ng mga opisyal na itinalaga ng Pangulo.
Dahil dito, nananatiling nakabinbin ang pinal na kumpirmasyon sa pwesto ng 10 opisyal habang hinihintay ang desisyon ng komisyon. – IP











