
Mahigpit na iniimbestigahan ngayon ng Department of Education (DepEd) Central office ang 12 pribadong paaralan sa siyam na division sa bansa.
Ito’y matapos maiulat ang pagkakaroon umano ng ‘ghost students’ sa ilalim ng Senior High School (SHS) Voucher Program.
Ayon sa DepEd, posibleng humantong sa pagtanggal ng accreditation sa programa ang mga paaralang mapatutunayang sangkot sa anomalya.
Kasabay nito, iniimbestigahan din ang mga opisyal at kawani na posibleng may kinalaman sa naturang pandaraya.
Tiniyak naman ni Education Secretary Sonny Angara na hindi palalampasin ng ahensya ang maling paggamit ng pondo ng taumbayan, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang transparency at accountability sa pamahalaan.
“We take these allegations seriously. Any form of misuse of public funds intended for critical education programs will not be tolerated. This investigation is a necessary step as we pursue the truth and hold accountable those responsible,” pagbibigay-diin ni Angara.
Samantala, nilinaw naman ng DepEd na hindi maaapektuhan nito ang mga lehitimong mag-aaral at patuloy silang makatatanggap ng suporta sa kanilang edukasyon. – AL