Binigyang-pagkilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 13 honorees sa 2024 Presidential Awards for Filipino Individuals and Organizations Overseas (PAFIOO) ngayong Miyerkules.
Paraan ito ng Pangulo upang kilalanin ang kanilang natatanging kontribusyon na nagbigay karangalan hindi lamang para sa kani-kanilang sarili kundi para sa Pilipinas.
Ipinagmamalaki rin ni Pangulong Marcos Jr. ang kwento ng katapangan at tagumpay ng mga Pilipino mula sa pagiging migrante sa ibang bansa hanggang sa pag-angat sa kani-kanilang larangan na nagpakita ng diwa ng kabayanihan sa gitna ng mga hamon na kinakaharap sa ibang bansa.
“Your stories continue to inspire us to make a difference and to rise above whatever adversity we face. Salamat po sa [ipinamalas] ninyong kabayanihan at kakayahan na nagbigay karangalan sa ating bansa, sa ating mga kababayan at sa Republika ng Pilipinas,” mensahe ng Pangulo.
Bukod dito, pinasalamatan din ng punong ehekutibo ang mga “Kaanib ng Bayan” awardees — mga dayuhang indibidwal at organisasyon na tumulong sa overseas Filipino communities.
“Thank you for showing compassion to Filipinos, especially in their times of need. Maraming, maraming salamat po,” dagdag niya.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos Jr. na patuloy ang pamahalaan sa paggawa ng mga reporma na layong mapalago ang ekonomiya ng bansa upang magbigay ng maraming oportunidad nang hindi na kailanganin na makipagsapalaran ng mga Pilipino nang malayo sa kanilang pamilya. – VC