Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na makakauwi na sa Pilipinas sa darating na Oktubre 3 ang 15 overseas Filipino workers (OFWs) na nag-avail ng voluntary evacuation dahil sa patuloy na kaguluhan sa Lebanon kasunod ng pagkaantala ng kanilang pag-uwi matapos masuspinde ang flights nitong Setyembre 26.
Kaugnay nito, patuloy na nagsasagawa ng mga hakbang ang DMW upang mahikayat ang iba pang mga Pilipino sa Lebanon na mag-repatriate na para sa kanilang kaligtasan.
Bagaman hindi mandatory ang evacuation, hinihikayat pa rin ng DMW ang mga Pilipino na umuwi na sa Pilipinas. Tiniyak din ng ahensya na tuloy-tuloy lang ang repatriation efforts mula sa nasabing bansa upang maprotektahan ang mga kababayang apektado ng lumalalang sitwasyon.
Sa kasalukuyan, tinatayang mayroong 11,000 mga Pilipino sa Lebanon, at marami sa kanila ay permanent resident na roon.
Inihayag din ni DMW OIC Usec. Fely Bay na makatatanggap ng financial assistance mula sa kagawaran at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga darating na OFWs at makakaasa rin silang may iba pang uri ng tulong ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mapagaan ang kanilang pagbabalik-bansa.
Samantala, nasa alert level 3 pa rin ang sitwasyon sa Lebanon, ngunit wala pang opisyal na desisyon kung itataas ito sa level 4 na nangangailangan ng mandatory evacuation ng lahat ng mga Pilipino sa bansa. — VC