
Nakatakdang magpakalat ang Philippine National Police (PNP) ng 15,097 mga pulis para tiyakin ang seguridad sa ikalawang ‘Trillion Peso March’ anti-corruption rally sa darating na Nobyembre 30.
Ayon kay PNP Spokesperson PBrig. Gen. Randulf Tuaño, 8,805 na pulis ang manggagaling sa National Capital Region Police Office (NCRPO) habang 6,292 naman ang ide-deploy mula sa Special Action Force (SAF), at Regional Police Offices ng Ilocos, Central Luzon, Calabarzon, at Cordillera.
Kasama sa mga lugar na tututukan ang People Power Monument na babantayan ng 973 pulis, EDSA Shrine na may 893 pulis, at mga lugar sa paligid ng Malacañang tulad ng Mendiola, Ayala Bridge, J.P. Laurel–Nagtahan, Legarda, San Sebastian, Arlegui, at ilang kalapit-kalsada.
Maglalagay rin ng seguridad sa House of Representatives, Senado, at opisina ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Taguig.
“Kung mapapansin niyo yung deployment natin ay napakarami, aabot ng 15,000 plus. Ito yung traditionally ay pinupuntahan ng mga tao kapag may rally. Alam naman natin na meron mga freedom parks… Ito yung mga hindi na nangangailangan ng permit na kinakailangan automatic sa deployment namin,” saad ni Tuaño,
Matapos ang mga tensyon sa Mendiola at Ayala Bridge noong nakaraang Setyembre 21, maglalagay din ang kapulisan ng negotiation teams, medical responders, monitoring units, arresting officers, at legal teams bilang dobleng paghahanda.
Samantala, naka-heightened alert ang NCRPO at inaasahang itataas sa full alert simula Nobyembre 28, kung saan lahat ng pulis ay kailangang naka-duty.
Ayon kay NCRPO Chief PMaj. Gen. Anthony Aberin, ia-ayon ang puwersa base sa crowd movement at real-time assessment.
“Police presence is not meant to suppress the rally but to protect the safety of participants, commuters, and bystanders,” ani Aberin
Naka-activate na ngayon ang joint security planning kasama ang Quezon City Department of Public Order and Safety, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at iba pang ahensya, habang mas palalakasin pa ang real-time CCTV monitoring at social media tracking dahil sa pagdami ng online mobilization. –IP











